(Courtesy: DILG)
Sumuko na sa Philippine National Police ang suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, nasa kostudiya na ngayon ng mga pulis ang suspek na si Joel Escorial na taga Quezon City.
Ayon kay Abalos, sumuko si Escorial sa sa takot matapos ilantad sa publiko ang mukha bilang suspek sa pagpatay kay Lapid.
Itinuro naman ni Escorial ang mga kasamahan na sina Israel at Edmon Dimaculangan at isang nakilala lamang sa pangalang Orlando na taga-Batangas
Si Orlando umano ang nagmaneho ng motorsiklo na ginamit sa pananambang kay Lapid noong Oktubre 3 sa Las Pinas City.
Ayon kay Escorial, taga loob sa New Bilibid Prison ang nag-utos sa kanila na patayin si Lapid.
Binayaran umano sila ng P550,000.
Ayon kay Abalos, tugma ang ballistic evidence sa crime scene sa baril na narekober mula kay Escorial.
Nakuha rin aniya ng mga pulis ang damit na isinuot ni Escorial sa pamamaslang kay Lapid.
Napaiyak naman si Escorial na humihingi ng tawad sa pamilya ni Lapid.
Matatandaang nag-alok ng P6.5 milyong pabuya para sa ikahuhuli ng suspek.