Walang nakikitang sapat na rason si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gamitin ang kanyang kapangyarihan o legal power para tuluyan nang mapalaya si dating Senador Leila de Lima.
Tugon ito ni Pangulong Marcos sa panawagan na palayain na si de Lima matapos ma-hostage sa PNP Custodial Center sa Camp Crame Quezon City kamakailan.
Ayon sa Pangulo, dapat na hayaan ang korte na magdesisyon sa kaso ni de Lima.
Hindi rin aniya marapat na pagdudahan ang sistema ng hudikatura sa Pilipinas.
“I think urging prosecutors to do one thing or another is interfering. So that’s why we… I have said we are very, very clear that we have three departments of government. At siguro naman, hindi natin dapat… Pabayaan natin. Hindi naman natin pinagdududahan ang proseso eh. I think the process is there. We are continuing to – we are continuing to monitor what is going on, to the extent” pahayag ng Pangulo.
Kabilang sa mga nanawagan na palayain na si de Lima ay sina Senador Risa Hontiveros at Albay Congressman Edcel Lagman.
Kasabay nito, sinabi ng Pangulo na agad niyang kinausap si de Lima matapos ang pang-hohostage sa kanya.
Nais kasi ng Pangulo na matiyak ang seguridad ng dating senador.
Inalok pa ng Pangulo si de Lima na magsabi lamang kung nais nitong magpalipat ng kulungan.
Pero tinanggihan ito ng dating senador.
“I spoke to her Sunday morning. I asked Secretary Benhur Abalos to go and to find out that everything was okay, that she was okay. And I said, pasukin mo at kausapin ko. And that is what I said,” pahayag ng Pangulo.
“And the reason I asked, I wanted to speak to her was I wanted to ask her if she feels safe. Because if she doesn’t feel safe, sabi ko sa kanya, “ililipat ka namin.” And she said, sabi nga naman niya na hindi naman siguro kailangan,” pahayag ng Pangulo.
Wala naman aniyang ibang hirit na ginawa si de Lima sa kanya.
“So she never asked me to do anything in terms… ‘Yun lang, ‘yung tweet niya, ‘yung what she tweeted, I think yesterday. That was the extent of it. So that is the extent of our discussion with the former senator,” pahayag ng Pangulo.
Base sa tweet ni de Lima, sinabi nitong hindi naman niya hiniling kay Pangulong Marcos na pakialaman ang proseso ng korte.
Ang tanging hiling lamang niya ay atasan ang Department of Justice na itigil na ang pagharang sa pagbibigay ng testimonya ng testigo na si Rafael Ragos para bawiin ang naunang pahayag.
Hirit pa ni de Lima, dapat na ring itigil ang pagpi-presenta ng mga perjured witnesses gaya ni Herbet Colangco.
Maari naman aniyang itama ni Pangulong Marcos ang mga maling nagawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakakulong si de Lima dahil sa umanoý pagkakadawit nito sa illegal drug trafficking sa New Bilibid Prison.