Ibinunyag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ‘blacklisted’ na ng China ang Pilipinas bilang ‘tourist destination.’
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian, ibinahagi ni Zubiri ang impormasyon mula kay Chinese Ambassador Huang Xilian.
Nagpapatuloy ang pagdinig ukol sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Ayon kay Zubiri, sinabi ni Huang na ang hakbang ng kanyang gobyerno ay para sa kaligtasan ng kanilang mamamayan sa Pilipinas.
Sinabi ni Huang na hindi sila nakakatiyak na ang Chinese nationals na pupunta ng Pilipinas ay magta-trabaho sa POGOs.
Dagdag pa ng banyagang opisyal, ayon kay Zubiri, hindi din sila nakakatiyak sa kaligtasan ng kanilang mamamayan sa mga ilegal na aktibidad sa bansa ng Chinese Triad at mga sindikato sa POGOs.
Sa pagdinig, nabanggit din ni National Economic Development Authority (NEDA) Usec. Rosemarie Edillon ang ukol sa ‘blacklist’ ng China, ngunit hindi na siya nagbigay pa ng mga karagdagang detalye maliban sa hindi ito isinasapubliko.