Matapos ang ‘bigtime oil price hike’ ngayon araw sa mga produktong-petriolyo, muling iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapatibay ng Pantawid Pasada Program.
Hinimok din niya ang Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) at iba pang mga kinauukulang ahensiya na tiyalin ang maayos at nasa oras na pagkasa ng subsidy program sa mga apektadong sektor kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo.
“Kung meron po sana tayong batas para sa ayuda ng mga tsuper at operator ng public utility vehicles o PUVs, hindi sila mahihirapan pang pasaninn ang bigat ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis lalo na’t patuloy din ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” paliwanag ni Gatchalian.
Aniya ang inihain niyang Senate Bill No. 384 ang magiging daan para sa pagkakaroon ng energy subsidy program na magiging daan para sa institulasyon ng Pantawid Pasada Program.
Sinabi ni Gatchalian, sa kanyang panukala, awtomatikong magbibigay ng fuel subsidy sa mga kuwalipikadong benepisaryo ng tatlong buwan kapag umabot o humigit na sa $80 kada bariles ang Dubai crude.
Ngayon ang halaga ng langis ay $95.80 kada bariles.
Banggit pa nito, inanunsiyo na ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang pagbabawas nila ng produksyon ng langis dahil sa mahinang pagsigla ng pandaigdigang ekonomiya kayat inaasahan na tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.