Bilang pagkunsidera sa kapakanan at interes ng mga konsyumer, ibinasura ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang petisyon ng San Miguel Corp., at Meralco na makapagtaas ng singil sa kuryente.
Sinabi ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, hindi siya nakumbinsi ng South Premiere Power Corp., San Miguel Energy Corp. at Meralco na may konkretong basehan para sa hirit na higit P4 hanggang P8 kada kilowatt hour na dagdag singil sa kuryente.
Ito rin ang naging paniniwala nina ERC Comms. Catherine Maceda at Foresinda Digal at kabaligtaran ng kanilang desisyon ay kina Comms. Alexis Lumbatan at Mark Romeo Fuentes.
Pagbabahagi ni Dimalanta nakasaad sa fixed price contract, hindi maaring magtaas ng singil sa halaga ng kuryente sa kahit anong sitwasyon o kondisyon.
Dagdag pa niya, nabigo din ang tatlong kompaniya na magpakita ng mga pruweba ukol sa katuwiran na labis-labis na ang kanilang pagkalugi dahil sa mataas na halaga ng coal at langis sa pandaigdigang pamilihan.
Pagdidiin ng opisyal ang kanilang desisyon ay pagsasalang-alang lang din sa mandato ng ERC na protektahan ang interes ng mga konsyumer laban sa pang-aabuso at aniya gayundin din naman ang mga nagnenegosyo sa sektor ng enerhiya.