Asahan na na magkakaroon ng mga pagbabago sa Office of the Press Secretary.
Ito ay matapos italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Undersecretary Cheloy Garafil bilang officer-in-charge ng OPS kapalit ni dating Press Secretary Trixie Angeles.
Ayon kay Garafil, pupulungin niya ngayong araw ang mga tauhan ng OPS para alamin ang kalagayan ng tanggapan.
“Of course, may mga changes yan but I’m still wrapping my head around yung operations. Ngayon pa lang kami magmemeeting talagang formally on the operations ng OPS but definitely we’ll see some changes in the coming days,” pahayag ni Garafil.
Sinabi pa ni Garafil na noong nakaraang linggo pa siya kinausap ng Pangulo ukol sa bagong posisyon.
“Ang naging usapan namin, yung last time na pinatawag niya ako and he said na kailangan ng someone sa OPS na makatulong and he offered me the OIC position so I said yes of course yes,” pahayag ni Garafil.
Hindi naman na mahalaga kay Garafil kung OIC lamang ang posisyon na inalok sa kanya ng Pangulo.
“Yun ang kanyang inoffer at yun ang aking tinanggap. Actually, ang ano ko naman, hindi naman importante kung OIC o full-fledged na secretary. Ang mahalaga sa akin, ang importante sa akin yung trust and confidence na binigay sa atin ng Pangulo. Binigyan niya tayo ng pagkakataon at ng trust na makatulong sa OPS. So yun ang importante sa akin,” pahayag ni Garafil.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.