Aabot sa P529.2 milyong pondo ang ini-release ng Department of Budget and Management sa Department of Health para sa Cancer Assistance Fund.
Base ito sa Joint Memorandum Circular (JMC) No. 2022 – 0002 para sa Implementing Guidelines for the Use of Cancer Assistance Fund (CAF).
Nabatid na ang naturang pondo ay naka-angkla sa Special Provisions (SP) No. 13 ng DOH budget sa 2022 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, hindi na mahihirapan ang mga may sakit ng cancer na makahingi ng ayuda.
“Malaking tulong po para sa ating mga kababayan itong nakalaang pondo for cancer assistance na maaari na pong magamit sa mga DOH hospital access sites at iba pang health facilities sa bansa. We hope that it will ease the burden of many cancer patients, as we know that cancer is one of the leading causes of morbidity and mortality amongst Filipinos,” pahayag niPangandaman.
Sakop ng JMC ang mga outpatient at inpatient cancer control services, kasama na ang diagnostics, therapeutic procedures, at iba pang cancer medicines na kinakailangan para sa treatment at management ng cancer at care-related components.
Available ang naturang pondo hanggang December 31, 2023.