Pang-aabuso ng taxi driver kay K-pop star Joshua Hong, kinondena ng LTFRB
By: Chona Yu
- 2 years ago
Mariing kinokondena ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pang-aabuso ng mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa labis na paniningil ng pamasahe sa kanilang mga pasahero.
Pahayag ito nng LTFRB matapos ang reklamo ni Joshua Hong, miyembro ng sikat na Korean Pop boy group na Seventeen, nang tanungin sa kanyang naging karanasan pagdating sa bansa para ipagdiwang ang Chuseok holiday o Korean Thanksgiving noong nakaraang buwan.
Ayon kay Joshua, siningil siya ng mahigit P1,000 ng isang taxi driver, tinatayang tatlong beses na mas mataas sa dapat na singil sa kaniya sa taxi.
Kailanman ay hindi katanggap-tanggap sa LTFRB ang ganitong panloloko ng mga PUV drivers sa kanilang mga pasahero – lokal man o dayuhan.
Pinapaalala ng LTFRB sa mga PUV driver at operator na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensya upang mapabuti ang pagseserbisyo sa publiko. Ang sinumang mahuhuling lalabag sa mga ito ay papatawan ng karampatang parusang nakapaloob sa Joint Administrative Order 2014, tulad ng pagbabayad ng multa at pagkansela ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC).
Hinihikayat naman ng LTFRB ang publiko na ipagbigay-alam sa ahensya ang mga ganitong pangyayari sa pamamagitan ng LTFRB 24/7 hotline 1342, sa Official Facebook Page at Facebook messenger ng ahensya o ‘di kaya’y sa e-mail sa pacd@ltfrb.gov.ph upang maaksyunan ang ganitong mga uri ng reklamo.