‘Good job’ si BBM sa kanyang ‘impressive’ first 100 days
By: Chona Yu
- 2 years ago
Kapwa ‘good job’ at ‘great job’ ang assessment nina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa first 100 days ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.’s bilang Chief Executive.
“He is doing a good job. He jumpstarted it with Cabinet meetings on daily basis, he is the best salesman of the country. During PGMA’s term, napakaraming investors na pumasok sa eco zones pero after that, wala nang pumasok [na mga investor].” pagsasad ni Zubiri.
Ipinaliwanag ni Zubiri na nakakahabol na ulit ang Pilipinas sa pagpaparami ng mga investor dahil sa galing ni Pangulong Marcos matapos umanong mapag-iwanan bansa ng mga karatig-bansa sa South East Asia kagaya ng Vietnam.
Sa panayam naman kay Romualdez, sinabi nito na “great job and a wonderful job” ang ginawa ni Marcos na sa pag-engage nito umano sa mga “kaibigan” sa international community kung kaya’t darami pa ang mga papasok na foreign direct investments sa bansa.
Bilang halimbawa, sinabi ni Romualdez na ang Singapore na siyang nangungunang source ng mga foreign direct investment ay malugod na tinanggap at may magandang pananaw tungo sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
Si Romualdez ay nagsabi na siya nga ay “very excited” na sa mga mangyayari pa sa Marcos administration.
Maganda rin ang assessment ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa first 100 days ni Marcos, Jr.
Sa ekonomiya, giit ni Arroyo na ngayon ay Senior Deputy Speaker ng 19th Congress, ‘impressive’ ang binuong economic team ni PBBM na haharap sa epekto ng global tension sa Ukraine at Taiwan.
Pinakita rin daw ng Pangulo ang pagiging kalmado at maalalahanin na lider na tapat sa adhikain nito na maging presidente ng lahat.
Ngayong October 8 ang first 100 days ni PBBM bilang ika-17 presidente ng Pilipinas at siya ang ikalawang Marcos na naging Pangulo ng bansa.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang kanyang mga ipinangako sa eleksyon ay naisaayos na sa kanyang first 100 days sa pagbuo niya ng powerhouse team ng economic advisers, kabilang na rito si Finance Secretary Benjamin Diokno.
Kaugnay rito, hinimok ni Senador Robinhood Padilla na dapat magkaisa ang mga Filipino, at suportahan kung ano ang tama at iwasto ang mga pagkakamali sapagkat ang tagumpay ng president ay tagumpay ng lahat ng mga Filipino.