Hinikayat ni Senator Raffy Tulfo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na makipagkasundo sa mga local government units (LGUs) para sa tiyak na pagbibigay ng 13th month pay ng mga negosyante sa kanilang mga empleado o manggagawa.
Ayon kay Tulfo maaring magamit ng LGUs, sa pamamagitan ng kanilang Business Permits and Licensing Office (BPLO), ang hindi na pagre-renew ng business permits ng mga negosyo na hindi magbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleado.
“Magpa-Pasko na po. This is the time of the year kung saan inaasam ng ating mga manggagawa na makatanggap po sana sila ng kanilang 13th month pay. Ang nangyayari po kasi kadalasan ay hindi naibibigay ito sa kanila dahil ginugugulan at dinudugasan sila ng kanilang mga employers,” diin ng senador.
Nakasaad sa batas na ang mga empleado ay dapat bigyan ng 13th month pay bago o tuwing Disyembre 24 ng kada taon.
Paliwanag ni Tulfo, dapat bago aprubahan ang renewal ng business permit, kailangan na magpakita ng patunay ang mga negosyo na nagbigay sila ng 13th month pay sa kanilang mga empleado.