“Bawal ang diskriminasyon sa mga mananakay!”
Iyan ang paalala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB lalo’t nalalapit na naman ang pasukan.
Ayon Kay LTFRB Board Member, Atty.Ariel Inton, may nakarating sa kanyang sumbong na may mga stickers na inilalagay sa mga frontseat ng mga UV Express na nagsasaad na ‘slim only’, na ang ibig sabihin ay bawal umupo sa tabi ng driver ang mga matatabang pasahero.
Sinabi ni Inton na ito ay malinaw na pag-alipusta sa mga mananakay at ipinagbabawal ito salig sa Joint Administrative Order (JAO) ng LTO at ng LTFRB.
Makatanggap kasi ang LTFRB ng sumbong tungkol sa stickers na nagsasaad ng ‘slim only’ sa mga UV express na namimili ng isasakay nila sa harap na upuan ng van>
May mga pagkakataon din na hindi pinapayagan na umupo sa frontseat ang mga lalaki na at namimili lang ng payat na pasahero na ipupwesto sa harapan.
Iginiit ni Inton na hindi nila kinokontra ang pagre-reserve ng driver ng upuan para sa girlfriend o asawa, o miyembro ng pamilya.
Gayunman, ang pamimili ng pasahero base sa itsura, o kasarian, o edad o pisikal na kaanyuan ay ipinagbabawal base sa anti-discrimination act lalo at dahil ang sasakyan na kanilang minamaneho ay public utility vehicle.