Naospital ang aabot sa labinglimang estudyante sa North Cotabato matapos kumain ng siopao sa canteen ng kanilang paaralan sa bayan ng Aleosan.
Siyam sa mga biktima ay nasa Aleosan District Hospital habang ang anim ay agad namang napauwi.
Ayon kay North Cotabato Provincial Police Spokesman Supt. Bernard Tayong, ang mga biktima ay pawang estudyante ng Dualing Central Elementary School at pawang mga nasa edad 9 hanggang 11.
Kumain umano sila ng siopao sa recess at pagkatapos ay dumaing na ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Ayon naman kay Dr. Nessel Lontiong Mondoñedo, “acute gastritis” ang findings sa mga bata.
Isang Jane Miranda ang nagdala ng 100 piraso ng siopao sa eskwelahan at 67 dito ang nabenta.
Sa imbestigasyon ng mga pulis matagal nang nagsu-suplay ng siopao sa nasabing eskwelahan si Miranda pero ngayon lang nangyari na mayroong mga dumaing ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Sinabi ni Tayong posibleng ang siopao na nakain ng mga biktima ay sira na o hindi bagong luto./ Donabelle Dominguez-Cargullo