Online portal ng LTO, hindi bubuwagin

By Chona Yu October 01, 2022 - 05:47 PM

Walang plano ang Land Transportation Office na buwagin ang Land Transportation Management System (LTMS) online portal.

Ito ang ginawang paglilinaw ng LTO talliwas sa mga naunang naglabasang balita.

Ayon kay Divine Reyes, ang communications director ng LTO, target ng kanilang hanay na mapalakas pa ang mga transaksyon nito sa pamamagitan ng online kasabay ng pagpapaigting ng mga hakbang laban sa matagal nang problema sa mga tinatawag na “fixer.”

Binigyang-diin ng LTO na ang pinag-aaralang mabuwag o mapalakas pa ay ang online na pagsusulit ng mga nagpapa-renew ng lisensya ng pagmamaneho o ang Comprehensive Driver’s Education (CDE) online validation exam.

Nauna nang inihayag ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na nagagamit ng mga “fixer” ang online na CDE exam upang makasingil ng malaki sa mga nais magpa-renew ng kanilang driver’s license.

Isang technical working group (TWG) na ang binuo nuong nakaraang buwan upang ihanay ang mga hakbang na tutugon sa mga problema sa mga fixer, kabilang na rin ang pamemeke ng mga certificate ng driving schools.

Pinag-aaralan na ng TWG ang mga opsyon upang matiyak na ang mismong aplikante sa renewal ng driver’s license ang humaharap sa seminar at pagsusulit at hindi ang fixer.

May pag-aaral na rin ang Management and Information Division (MID) ng LTO para palakasin ang online system nito nang hindi makalulusot ang mga nagbabalak mandaya sa proseso ng pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.

“Ang kailangan lang duon, we feel is that kulang lang ‘yung app ng facial recognition for us to be able to effectively use the portal. If that feature is added, hindi na puwedeng mangdaya. Dapat kitang-kita ng portal ‘yung nag-eexam, ‘yung talagang may-ari ng driver’s license,” pahayag ni Asec Guadiz sa naging pagdinig ng Senado.

“We’re in that process now of developing this facial recognition not only for this portal in renewing driver’s license but in our future plan also na ‘yung driver’s license renewal will now be done online,”dagdag ng LTO Chief.

 

TAGS: fixer, lto, news, online portal, Radyo Inquirer, Teofilo Guadiz, fixer, lto, news, online portal, Radyo Inquirer, Teofilo Guadiz

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.