Pinasubalian ng pamunuan ng pambansang pulisya ang naunang pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na mayroong aktibong heneral na sangkot o protector ng illegal drugs.
Ang pahayag ay bilang reaksyon sa naunang babala ni Duterte laban sa hindi pinangalatatlong heneral sa Camp Crame na umano’y sangkot sa droga na magbitiw na sa pwesto at huwag nang antayin na sila ay pangalanan pa ni Duterte.
Ayon kay PNP Spokesman police chief superintendent Wilben Mayor, bagaman suportado ng PNP ang hakbang ng papasok na administrasyon sa paglaban sa ilegal na droga, sa isinasagawa umano nilang internal cleansing ay wala pa naman silang naidentify pa na heneral na in active service na involved sa drugs.
Pero paliwanag ni Mayor, iva-validate nila ang impormasyon na magmumula kay Duterte para matukoy ang tatlong heneral at maghagilap ng sapat na ebidensya para sila masibak sa pwesto.
Tiniyak din ni Mayor na suportado nila ang mga hakbang ni Duterte kontra ilegal na droga at patuloy ang kanilang paglilinis sa mga ‘scalawags’.