Aabot sa halos $4 na bilyon na investment ang naiuwi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos matapos ang anim na araw na pagbisita sa New York sa Amerika para sa 77th United Nations General Assembly.
Base ito sa mga business agreement at commitment na napagkasunduan ng Pangulo at mga dayuhang negosyante.
Tinatayang nasa 112,285 na trabaho ang inaasahang maliilkha dahil sa mga naiuwing investment.
Kabilang sa mga naiuwing investment ng Pangulo sa Information Technology and Business Process Management (IT-BPM), data centers, at manufacturing.
Nilinaw naman ng Palasyo na ang naturang halaga ay hindi awtomatikong sasalamin ng future investment.
Bagamat maraming kompanya ang nagpahayag ng interes na mamuhunan, kailangan pa rin na maselyuhan ang investment pledges.
Matatandaan na kahapon lamang sa pagbubukas ng bagong Clark International Airport sa Pampanga, sinabi ng Pangulo na handa na ang Pilipinas na tumanggap ng mga dayuhang negosyante.
Sinabi rin ng Pangulo na pinadali na ng pamahalaan ang proseso ng pagnenegosyo sa Pilipinas.
Ibinida pa ng Pangulo na magandang lugar ang Pilipinas sa Southeast Asia na paglagakan ng negosyo dahil sa malakas na ekonomiya.
Bukod dito, sinabi ng Pangulo na marami rin sa mga Filipinong manggagawa ang mga highly skilled at mataas ang kwapilikasyon.
Isinusulong din ng Pangulo ang public-private partnership sa mga proyekto sa bansa lalo na sa sektor ng imprastraktura.