Isang araw matapos lumusot sa third and final reading, inaprubahan na sa Senado ang bicameral conference committee report para sa SIM Registration Act, gayundin ang para sa pagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sa SIM Registration Act, napagkasunduan na alisin na ang ‘Card’ sa panukala para sa mga susunod pang variations ng SIM.
Ibinahagi ni Sen. Grace Poe, ang namumuno sa Committee on Public Services, napagkasunduan na ang bersyon ng Senado ng panukala ang gamitin.
Aniya nakasaad sa panukala na ang Public Telecommunication Entities (PTEs) sa bansa ang mangangasiwa sa pagpaparehistro ng SIM.
Sabi pa ng senadora, may 180 araw para sa pagpaparehistro ng mga prepaid SIM.
Samantala, sinang-ayunan na rin ang bicam report para naman sa pagpapaliban ng barangay at SK elections, na nakatakda sa darating na Disyembre 5.
Gaganapin na lamang, base sa panukala, ang eleksyon sa ikalawang Lunes ng Disyembre sa susunod na taon at ang mga susunod ay isasagawa tuwing buwan ng Oktubre kada tatlong taon.
Tumutol naman sina Minority Leader Koko Pimentel at Sens. Risa Hontiveros at Pia Cayetano na maipagpaliban muli ang eleksyon.