Dating Pangulong Duterte pangungunahan ang PDP-Laban National Assembly
Pamumunuan ni dating Pangulong Duterte ang pagdiriwang ng 40th anniversary ng PDP-Laban sa pamamagitan nang pagdaraos ng National Assembly bukas, Setyembre 29.
Ayon kay PDP Laban president Alfonso Cusi, sa pagtitipon ng kanilang mga opisyal at miyembro ay pagtitibayin nila ang kanilang adhikain na maging bahagi ang PDP-Laban ng pagtataguyod ng bansa.
Pangangasiwaan din ni Duterte ang eleksyon ng mga bagong opisyal ng partido. Si Duterte ay nagsisilbing chairman ng PDP-Laban.
Una nang pinuri ni Duterte sa kanilang National Council Meeting ang higit 300 miyembro, kabilang na ang ilang senador, kongresista, governors, mayors at iba pang opisyal ng gobyerno na nanatili sa partido.
“Bilib ako sa mga taga-PDP Laban. Alam mo kung bakit bilib ako sa inyo? Ang mga miyembro ng PDP Laban, may prinsipyo. Kung wala kayong prinsipyo, lumukso na kayo sa kabila,” aniya.
Sinabi naman ni Cusi na nananatiling matatag ang kanilang partido dahil marami sa kanila ang mga nahalal at nanatili sa ibat-ibang posisyon.
Noong nakaraang Mayo, kinilala ng Commission on Elections (Comelec) ang paksyon ni Cusi bilang opisyal na PDP-Laban at hindi ang grupo nina Sen. Koko Pimentel at dating Sen. Manny Pacquiao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.