CMFR, nabahala sa paggamit lamang ni Duterte sa PTV-4 sa kaniyang mga pahayag
Nababahala ang ilang communication experts sa desisyon ni President-elect Rodrigo Duterte na maglabas na lamang ng pahayag sa pamamagitan ng state-owned television na PTV-4.
Isa sa kanila si Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) Board of Trustees chairman Vergel Santos, na isa ring batikang mamamahayag, na nangangamba sa posibleng manipulasyon ng impormasyon dahil dito.
Inihalintulad pa ito ni Santos sa naging paraan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong panahon ng kaniyang diktadurya kung saan nabulag ang mga tao sa mga anomalya at katiwalian sa gobyerno.
Ani pa Santos, kinakalaban ni Duterte ang media para mapilitan ang mga ito na i-boycott siya at nang hindi ito mangyari, pinili na lamang niyang gamitin ang istasyon ng pamahalaan na maari niyang manipulahin.
Nais lang aniya ni Duterte na maka-iwas sa media dahil hindi niya ito kayang hawakan.
Paliwanag ni Santos, hindi man tiyak ang paiging laging patas na pamamahayag sa mga private media entities, sinisiguro naman ng mga ito na kuhanin ang pananaw ng ibang panig.
Lumalaban rin aniya ang mga private media entities sa pamamagitan ng pagsi-sikap na palakasin ang kanilang kredibilidad para makahakot ng mas maraming manonood.
Dahil aniya sa desisyon na ito, mapipilitan ang ibang media na kumuha lamang ng mga balita mula sa second hand sources o iyong galing na lamang sa mga nakapalibot sa pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.