Standing passengers sa mga pampasaherong sasakyan, pinapayagan na sa mga lugar na nasa Alert Level 1
Pinapayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang standing passengers sa loob ng ilang Public Utility Vehicle (PUV) na bumibiyahe sa mga lugar na nakasailalim sa Alert Level 1.
Sa Memorandum Circular No. 2022-070, tanging sa mga Public Utility Bus (PUB) at Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) Class 2 papayagang magkaroon ng tayuang pasahero.
Sinabi ng ahensya na may mga kundisyon sa pagpapatupad nito:
– Low-Entry/Low Floor PUB – nasa 15 ang maximum na standing passenger ang papayagan, one-person apart ang pagitan
– Coach-type PUB – nasa 10 ang maximum na standing passenger ang papayagan, one-person apart ang pagitan
– MPUJ Class 2 – nasa lima ang maximum na standing passenger ang papayagan, one-person apart ang pagitan
Alinsunod sa utos ng Department of Transportation (DOTr), ipatutupad ang naturang polisiya upang magamit nang husto ang espasyo sa mga ilang pampublikong sasakyan nang hindi nalalabag ang public health safety protocols.
Paalala ng LTFRB, istriko pa ring ipatupad ang minimum public health safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ipinaalala rin nito sa mga PUV driver at operator na laging sundin ang mga polisiya at alituntunin ng ahensya.
Sinumang mahuling lumabag sa naturang polisiya ay papatawan ng karampatang paruso, alinsunod sa mga kundisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at Joint Administrative Order 2014-01.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.