Tumagal ng isang oras ang sunog na tumupok sa dalawang gusali sa Arlegui Street sa Quiapo, Manila, Linggo ng gabi.
Sa kabutihang palad, wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente, ngunit umabot umano sa P4 million ang halaga ng pinsalang idinulot ng sunog.
Ayon kay Bureau of Fire Protection-National Capital Region director Chief Supt. Leonard Bañago, nag-simula ang sunog sa kwarto ng isang Joseph Arfad.
Siya ang naninirahan sa isa sa mga kwarto sa ikalawang palapag ng gusaling pag-aari ng pamilya Tuazon. Hindi pa naman natutukoy ang dahilan ng sunog.
Dakong alas-6:45 ng gabi nag-simula ang sunog na umabot pa sa Task Force Charlie makalipas ang isang oras nang madamay rin ang gusali sa likod nito.
Aniya pa, hindi naman napinsala ang kabuuan ng mga gusali, at ang tanging apektado lamang ay mga bahagi ng ikalawang palapag ng parehong gusali.
Pawang mga luma at gawa sa kahoy din ang mga nasunog na bahagi na madali talagang masunog.
Naitala namang under control ang sunog ganap na alas-8 ng gabi.