Patuloy ang pagtaas ng antas ng tubig sa Marikina River dulot ng Typhoon Karding.
Sa abiso ng Marikina Public Information Office (PIO) hanggang 1:02, Lunes ng madaling-araw (Setyembre 26), nasa 18.3 metro na ang lebel ng tubig sa naturang ilog.
Bunsod nito, nasa ikatlong alarma na ang Marikina River.
Sinabi ng Marikina PIO na nakabukas ang walong gate ng Manggahan floodway.
Dahil dito, sinimulan nang ilikas ang ilang residente at nagbukas na ng mahigit 50 evacuation center sa nasabing lungsod.
Nanawagan naman ng tulong ang pamahalaang lungsod ng Marikina sa mga pribadong sektor dahil sa dami ng mga lumikas.
Mabilis namang tumugon sa nasabing kahilingan ang Our Lady Of the Abandoned Church na binuksan na ang kanilang pintuan para sa mga lilikas.