PBBM: Walang territorial dispute ang Pilipinas at China
Walang territorial dispute ang Pilipinas at China.
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa Asia Society sa New York sa Amerika.
Pero ayon sa Pangulo, bagamat walang territorial dispute, patuloy namang inaangkin ng China ang teritoryo na pag-aari ng Pilipinas.
“We have no territorial conflict with China. What we have is China claiming territory that belongs to the Philippines,” pahayag ng Pangulo.
Malinaw naman aniyang naiparating ng Pilipinas sa China kung ano ang nararamdaman nito sa patuloy na pagkamkam sa mga teritoryo.
Katunayan, mayroon aniyang modus vivendi o way of life sa Asya kung saan natuto ang mga bansa na mamuhay ng tahimik kahit na mayroong namumuong tensyon.
Nakalulungkot man ayon sa Pangulo pero patuloy na nararanasan ang naturang problema.
Kaya ayon sa Pangulo, ito ang dahilan kung kaya mahalaga ang relasyon ng Pilipinas sa Amerika.
Sa pakikipagpulong ng Pangulo kay U.S. President Joe Biden, sinabi nito na nagpapatulong ang Pilipinas sa Amerika para ipagpatuloy ang kapayapaan sa Southeast Asia region.
Ikinalulugod aniya ng Pilipinas ang malakas na ugnayan sa Amerika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.