Ipinagdiinan ni Senator Francis Tolentino na base sa mga ebidensiya ang committee final report ukol sa isinagawang pagdinig sa sugar importation fiasco.
Kasabay nito, sinabi ng namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee na magkakaroon ng pagkakataon sina Agriculture Usec. Leocadio Sebastian, dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica, at SRA Board Members Roland Beltran at Gerardo Valderrama Jr. na depensahan ang kanilang mga sarili.
Inirekomenda ni Tolentino na maimbestigahan ng tamang awtoridad ang apat na personalidad dahil sa pagpapalabas ng Sugar Order No. 4, kung saan nakasaad ang pag-aangkat ng 300,000 tonelada ng asukal.
Inilabas ang SO 4 ng walang pahintulot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tumatayong kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Dinipensahan ni Tolentino sa minoriya ng Senado ang committee report.
“Meron pa rin hong batas na dapat sundin. Kung lahat tayo’y maawa at patatawarin na lang natin lahat, tanggalin na ‘yung mga padlocks sa piitan kung ka-aawaan natin lahat. Kailangan po yung dapat parusahan, parusahan,” aniya.
Una nang sinabi nina Minority Leader Koko Pimentel III at Sen. Risa Hontiveros na ‘in good faith’ ang pagpapalabas ng SO 4 dahil sa krisis sa suplay ng asukal sa bansa.