NTC inatasan ang mga telco na i-block at i-deactivate ang mga clickable person-to-person URL na ipinadadala sa SMS

Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga telco na i-block o i-deactivate ang mga ipinadadalang clickable person-to-person URL sa text message. Kabilang dito ang mga ipinadadalang mensahe na mayroong URLs, TinyURLs, Smart Links o QC Codes na kadalasang nagagamit para makapanloko ng mga subscriber. Sa memorandum ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, inaatasan ang mga kumpanyang DITO Telecommunity, Smart Communications at Globe Telecom na i-block ang mga ganitong uri ng mensahe. Inatasan din ang nasabing mga kumpanya na magsumite ng NTC ng kanilang compliance report hanggang Sept. 16, 2022. Layunin ng kautusan na masawata ang paglaganap ng SMS text scams at mga spam messages. Ang mga text scam at spam messages ay kadalasang ginagamitan ng URLs na kapag nai-click ng subscribers ay mapupunta siya sa pekeng website na ginagamit sa panloloko ng mga nasa likod ng ilegal na aktibidad. Ayon sa NTC, kung agad na maide-deactivate at mai-block ng mga telco, kahit mai-click pa ng mga subcriber ang links ay hindi na nito ma-access ang mga mapanlinlang na website.

Read more...