Nagsasagawa na ng imebstigasyon ang National Privacy Commission kaugnay sa paglaganap ng text scams sa bansa.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ng NPC na tinatapos na ng kanilang hanay ang imbestigasyon katuwang ang National Bureau of Investigation.
Sa ngayon ayon sa NPC wala pa silang nakikitang insidente ng breaching.
Hiniling naman ni Senator Nancy Binay sa NPC na agad tapusin ang kanilang imbestigayson.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na may nilagdaan silang memorandum of understanding kasama ang Singaporean ICT Ministry para sa palitan ng kaalaman sa kung paanong mapagbubuti pa ang digital response sa mga cyber-related issues.
Kapwa naman naniniwala ang NBI at PNP na dapat magkaroon na ng SIM registration law para matukoy ang pinagmumulan ng mga text scams.
Makatutulong din ang batas upang makasuhan ang mga nasa likod nito.
Samantala, inirekomenda ng National Telecommunicaitons Commission na i-adopt ang approach ng International Telecommunication Union (ITU) sa pagtugon sa text scams.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng malawakang public information drive, paggamit ng blocking software/app upang masala ang mga unwanted messages mula sa hindi tukoy na source, pagkakaroon ng SIM registration law, paghikayat sa publiko na sundin ang payo ng gobyerno kapag nakatatanggap sila ng unwanted messages at palagiang i-upgrade ang kanilang IOS para makaiwas sa malware at virus attacks.
Pinayuhan ni Senador Grace Poe ang NTC at mga telco na ipagpatuloy ang kanilang information drive at palakasin pa ang pagsasagawa ng text blasts na nagbibigay paalala sa publiko.
Nagkaisa ang mga partido na dumalo sa pagdinig na suportahan ang SIM registration law.
Present din sa pagdinig sina Senators Joel Villanueva, JV Ejercito at Jinggoy Estrada.