Tutol si Dr. Nina Gloriani, head ng Vaccine Expert Panel sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force, na gawing optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga outdoor na lugar sa buong bansa.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Gloriani na mas makabubuting hintayin na mag-stabilize ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa ngayon kasi aniya ay baba-taas pa ang sitwasyon ng COVID-19 at hindi pa nakikitang steady ito sa mababang trend.
Maliban dito, mababa pa aniya ang antas ng mga nabigyan na ng booster shot.
Lubhang kailangan aniya ng booster shot para maiangat ang proteksyon ng mga Pilipino laban sa Omicron subvariant.
Para kay Gloriani, hindi niya nakikitang problema ang pagsusuot ng face mask kaya sana aniya ay ituluy-tuloy na muna ito at bantayan ang magiging trend ng kaso lalo na sa mga may edad o senior citizens, may comorbidity, immuno-compromised individuals at mga bata.