Sa botong 11 – 3 – 3 ng mga senador, padadalhan ng subpoena ng Blue Ribbon Committee si Executive Secretary Victor Rodriguez para muli itong dumalo sa pagdinig kaugnay sa sugar importation fiasco.
Ibinahagi ni Senador Francis Tolentino, ang namumuno sa komite, 11 senador ang pumabor sa hiling ni Sen. Risa Hontiveros na padalhan ng subpoena si Rodriguez.
Tig-tatlo naman ang tumutol sa nais ni Hontiveros at may tatlong senador din ang nag-abstain.
Nang isapubliko ang resulta ng isinagawang secret balloting sa ipinatawag na executive session, agad ipinag-utos ni Tolentino sa Office of Senate Sergeant-at-Arms (OSSAA) na agad isilbi ang subpoena kay Rodriguez.
Sa ipinadala niyang sulat sa komite, ibinahagi ni Rodriguez na inutusan siya ni Pangulong Marcos Jr., na huwag dumalo sa pagdinig at hindi naman niya ibinigay ang kadahilanan.