Wala ng panahon na sasayangin kayat nais nang masimulan agad-agad ni Senator Robinhood Padilla ang joint exploration ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Kayat hiniling ni Padilla sa mga kapwa senador na ikunsidera na ang Senate Resolution No. 9 para sa oil and gas development sa West Philippine Sea.
“Ang sa ganang akin naman po ay isang mapagkumbabang panawagan na maging bukas tayo sa abot ng ating makakaya sa mga pamamaraang nakikita natin na maaaring makatulong upang ibsan ang nararamdamang sakit ng ating bayan, lalo ang naghihikahos nating mga kababayan,” diin nito.
Binanggit nito na marami ng dambulahang barko ng China ang nasa rehiyon at maraming Filipino ang naghihirap sa mataas na halaga ng mga produktong petrolyo dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
“Habang patuloy ang debate at bangayan dito sa Maynila, ang West Philippine Sea po ay pinamamahayan na ng naglalakihang industriyal na barko ng Tsina na nagkukubling fishing vessels. Huwag naman po sana mangyari na bago pa man tayo makarating sa isang kasunduan ay wala na tayong mabubungkal dahil naubos na ang ating inaasahang likas-yaman,” pagdiin ng senador.