Ex-PAGCOR chief Genuino at 7 iba pa kinasuhan sa P37M na halaga ng maanomalyang training

EFRAIM-C.-GENUINOSinampahan ng kasong graft ng Office of the Ombudsman si dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Efraim C. Genuino kaugnay sa maanomalyang pagre-release ng P37 million na pondo para sa pagsasanay ng swimmers na lumahok sa 2012 Olympics.

Sa dalawang magkahiwalay na impormasyon na inihain sa Sandiganbayan, si Genuino at pitong iba pang dating opisyal ng gobyerno ay sinampahan ng dalawang bilang ng kasong paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Maliban kay Genuino, dawit sa kaso sina: dating PAGCOR president at chief operations officer Rafael A. Francisco, dating PAGCOR senior vice president Edward King, dating PAGCOR executive vice president Rene C. Figueroa, dating PAGCOR vice president Ester P. Hernandez, dating PAGCOR assistant vice president Valente C. Custodio, dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman William I. Ramirez, at dating Philippine Amateur Swimming Association Inc. (PASA) president Mark P. Joseph.

Si Genuino ay sinampahan din ng hiwalay na kaso ng paglabag sa Section 3 (h) ng RA 3019.

Sa record ng kaso, mayroong mga tseke na nagkakahalaga ng P37,063,488 ang ini-release ng PAGCOR sa PASA sa pagitan ng April 2007 hanggang August 2009 kaugnay sa prorgama ng PAGCOR na nagpopondo sa training ng mga swimmer na lalahok sa 2012 Olympics.

Maliban pa dito ang P910,000 na inilabas din ng PAGCOR para sa PASA bilang pambayad umano sa IT company na Synercraft Control Technologies para sa maintenance ng timer at computer systems ng training program.

Ayon sa Ombudsman, ang pag-release nga dalawang pondo ay maanomalya dahil hindi ito dumaan sa Board of Directors ng PAGCOR.

 

 

Read more...