Sen. Cynthia Villar may ‘resign challenge’ sa DA officials
Hinamon ni Senator Cynthia Villar ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na magbitiw sa puwesto kung mabibigo na maipamahagi sa mga magsasaka ang kanilang bahagi sa coco levy fund sa taong 2022.
Diin pa ng senadora, maging ang mga gamit at makinarya na kailangan ng mga magsasaka ay dapat ding matanggap ng coco farmers bago matapos ang 2022.
Pinaalalahanan ni Villar si Philippine Coconut Authority (PCA) Administrator Benjamin Madrigal Jr. sa pagkakaantala ng distribusyon ng bilyun-bilyong pisong pondo para sa mga benepisyo ng mga magsasaka at pagpapa unlad ng industriya ng niyog sa bansa.
Sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na P750 milyon pa lang ang nailabas mula sa pondo.
Ikinatuwiran ni Budget Usec. Tina Canda, wala silang natanggap na hirit para sa pamamahagi ng inilaan na P5 bilyon kada taon.
Ayon naman kay Madrigal, dapat ay may request mula sa mga kinauukulang ahensiya at hindi ito nagustuhan ni Villar.
“Ikaw ang head ng PCA, hindi ba responsibility mo na ma-implement ‘yan? Edi tawagan mo nang tawagan kung ayaw nila mag-request. Ikaw ang mag-follow up. Bakit ka magwa-wash ng hand diyan?” ang agad na hirit ng namumuno sa Senate Committee on Agriculture kay Madrigal.
“Kung di mo kaya gawin ‘yan edi mag-resign ka!” diin pa ni Villar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.