Ilang LTO sites, nagkakaroon ng mahabang pila dahil sa umano’y nagkaaberyang IT platform

Mahabang pila ang sumalubong sa mga motorista sa ilang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Metro Manila sa pagpasok ng ‘ber’ months dahil umano sa nagkaaberyang information technology (IT) platform na Land Transportation Management System (LTMS).

Ayon sa isang nagpaparehistro ng sasakyan na si Caloy San Jua, noong nakaraang Miyerkules pa siya pabalik-balik sa LTO Makati at pagdating noong Agosto 31 ay offline pa rin ang system ng LTO.

Ayon sa ilang source, tatlong araw nang offline at nagkakaaberya ang LTMS kung kaya’t naaantala ang proseso sa naturang tanggapan na nagresulta sa patong-patong na backlog at mabagal na proseso.

Kinumpirma ito mismo ni Marinette Abarico, hepe ng LTO-Makati District Office. Naranasan din ang nasabing sitwasyon sa iba pang tanggapan ng LTO partikular na sa Novaliches, Diliman, Las Piñas, at Marikina District Offices.

Sinabi naman ni LTO Makati District Office chief Marinette Abarico na nananatili pa ring offline ang kanilang system.

“Pinaka-worst itong nangyayari sa amin na offline, dati hindi ganito katagal,” saad ni Abarico.

Nauna nang in-extend ni LTO chief Asec. Teofilo Guadiz ang validity ng rehistro ng mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa “7” dahil sa holiday noong Agosto 29 at sa ilang technical issue.

Ang LTMS ay ginawa ng banyagang IT contractor na Dermalog na makailang beses nang sinita ng Commission on Audit (COA) dahil sa pagkakaantala ng proyekto at mga isyung teknikal na nakakaapekto sa operasyon ng LTO.

Read more...