Ipinagdiinan ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na hindi maaring basta-basta tatapusin na lang ng Blue Ribbon Committee ang pagdinig sa ‘sugar importation fiasco.’
Paliwanag nito, hindi maaring tapusin ang pagdinig hanggang walang ‘cross examination’ ang mga senador sa lahat ng resource persons, kasama na si Executive Secretary Victor Rodriguez.
Dagdag pa ng senador, hindi rin kailangan ang ‘partial report’ na balak ilabas ni Senator Francis Tolentino, ang namumuno sa komite, dahil puwede nang magawa ang ‘final report’ kapag nalinawan na ni Rodriguez ang kanyang mga nalalaman sa pagpapalabas ng kontrobersiyal na Sugar Order No. 4.
Una na rin sinabi ni Tolentino na bukas siya na muling ipatawag si Rodriguez base sa kahilingan ng mga senador, ngunit pagkatapos ng ikatlong pagdinig ay posible na maglabas na siya ng ‘partial report.’
Ibinahagi nito na nagpasabi na si Rodriguez na muling hindi ito makakadalo sa pagdinig sa Senado sa susunod na linggo.
Ikinatuwiran nito na magiging abala na siya sa state visits ni Pangulong Marcos Jr., sa Indonesia at Singapore.