Balewala na kung iimbestigahan pa ang pagpatay sa journalist na si Jun Pala ayon kay Duterte

By Marilyn Montaño June 03, 2016 - 03:44 PM

DuterteKahit kilala niya ang suspek, sinabi ni Incoming President Rodrigo Duterte na “useless exercise” o wala ng kwentang imbestigahan ang pagpatay sa mamamahayag na si Juan “Jun” Pala noong 2003.

Sa press conference Huwebes ng gabi, muling tinira ni Duterte ang mga iresponsable at tiwaling mamamahayag na nangingikil umano ng pera mula sa mga pulitiko gaya anya ni Pala na pinatay sa Davao City noong September 6, 2003.

Pinatay si Pala habang pauwi sa Empress Subdivision kasama ang kapatid at pinsan na nagsisilbing bodyguard. Namatay ang 49-anyos na journalist matapos barilin sa kanyang ulo at dibdib.

Pero ayon kay Digong, si Pala ay isang reporter na nag-eextort ng pera sa mga personalidad sa gitna ng kanyang propesyon bilang radio broadcaster.

“Pala was a criminal through and through. Extortion lahat, may rape pa ang gago. Eventually mamamatay din talaga yan. However, you defend him in the name of journalism”, ani Duterte.

Inamin ni Duterte na kilala niya ang nagpapatay kay Pala na umiyak sa kanyang harapan dahil binaboy umano ng mamamahayag ang reputasyon nito.

Kilala ring kritiko ni Duterte si Pala na kalimitang sinisimulan ang kanyang radio show na may patama sa outgoing Davao City Mayor.

Pero una nang sinabi ni Duterte na kung siya ang nagpapatay kay Pala ay matagal na dapat itong namatay.

Ang pag-amin ni Duterte ukol sa pagpatay kay Pala ay sa gitna ng batikos sa kanya dahil sa pagbigay nito ng katwiran na sadyang target ng assasination ang isang tiwaling miyembro ng media.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.