Nasa 80 porsyento nang handa ang Commission on Elections (COMELEC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa December 5, 2022.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni COMELEC chairman Erwin Garcia na sunod na paghahandaan ng kanilang hanay ang pag-iimprinta na ng mga balota.
Ayon kay Garcia, hindi na iniisip ng COMELEC ang posibilidad na ipagpaliban ang Barangay at SK elections.
Una rito, nakapasa na sa committee level sa Kamara ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK elections.
Wala namang nakikitang problema si Garcia sa mga nabili ng election paraphernalia kung hindi man matuloy ang eleksyon.
“Wala pong problema, para po sa ating mga kababayan, sapagkat iyong mga nabili po natin o iyong mga nabigay na natin na award na kontrata para sa pagdi-deliver ng mga election paraphernalia o kagamitan ay gagamitin din naman po natin sa susundo na halalan,” pahayag ni Garcia.
“Ibig sabihin po, hindi naman po masasayang iyan, magmula sa ballpen, magmula sa ballot boxes at saka iyon pong indelible ink at iba’t iba pang mga kagamitan. Kahit nga po, makapag-print tayo ng balota ay wala pong effect iyan sapagkat iyong balota na na-print natin ay pupuwede pa ring gamitin para sa susunod na eleksiyon kung sakali na ma-reset ang December 5, 2022 elections,” pahayag ni Garcia.