PNP Chief Azurin sa MILF: Maging sinsero para sa kapayapaan sa Mindanao

PNP PHOTO

Nanawagan si PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na makipagtulungan sa gobyerno sa pagtugis sa mga kriminal sa Mindanao.

Kaugnay ito sa pagpatay kina Police Lt. Reynaldo Samson, ang hepe ng pulisya sa bayan ng Ampatuan sa Maguindalao at sa kanyang aide na si Cpl. Salipudin Endab.

Himutok ng hepe ng pambansang pulisya, kailangan pa na magpaalam ng awtoridad sa MILF bago makapagsagawa ng ‘anti-criminality operations’ sa kanilang teritoryo.

Magsisilbi ang grupo ni Samson ng warrant of arrest nang sila ay tambangan ng hindi pa natutukoy na grupo.

“Ang pinasok ng ating kapulisan is an MILF territory and sinasabi nila doon na kailangan pala nagpapaalam pala ang ating kapulisan, kasundaluhan kung papasok doon that’s why on my own I really question that because there is only one PNP, there is only one AFP and we are here to serve yung ating mga kababayan bakit po nila lilimitahan o bakit kailangan magpaalam ang ating kapulisan doon?” ang makabuluhang tanong ni Azurin.

Diin pa nito, panahon na para magpakita ng talagang sinseridad ang MILF sa prosesong pangkapayapaan sa Mindanao.

Ilan sa mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ay mga opisyal ng MILF.

Read more...