PNP, nakaalerto na sa pagpasok ng panahon ng Kapaskuhan
Todo-handa na ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa posibleng pagtaas ng kaso ng kriminalidad ngayong papasok na ang panahon ng Pasko.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. na police presence ang gagawin ng kanilang hanay sa mga komunidad.
Ipakakalat aniya ang mobile forces, maging ang Special Action Force (SAF) sa mga matataong lugar, lalo na sa crime-prone areas.
Inatasan na rin ni Azurin ang district directors na abisuhan ang barangay officials at alamin ang sitwasyon ng kriminalidad.
Sa ganitong paraan aniya, malalaman ng PNP kung anong intervention ang gagawin at kung anong tulong ang maibibigay sa barangay para magtulong-tulong na masugpo ang kriminalidad.
Kasabay nito, sinabi ni Azurin na mas mababa pa rin ang bilang ng krimen sa taong 2022 kumpara noong nakaraang taon.
Nabatid na noong Hulyo hanggang Agosto 2021, umabot sa 35,000 ang crime volume na panahon pa ng pandemya sa COVID-19 kumpara sa kaparehong buwan sa taong 2022 na new normal na pumalo lamang sa 29,000.
Samantala, sinabi ni Azurin na may 10 kaso ng pagdukot at krimen ang nag-viral sa social media. Apat aniya sa naturang kaso ay naresolba na habang ang lima ay iniimbestigahan na habang ang isa ay nagkaroon ng settlement.
Ayon kay Azurin, nakasuhan na rin ang suspek sa kasong panggagahasa sa isang babae sa Palawan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.