Alagang QC umarangkada na

Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang programang “Alagang QC”na naglalayong madaliin ang pagbibigay ng financial assistance sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa nakalipas na anim na buwan.

Mismong si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang nanguna sa launching ng Alagang QC.

“Ang programang ito ay paraan ng lokal na pamahalaan para matulungan ang QCitizens nating nawalan o natanggal sa trabaho dahil sa pandemya at krisis pang-ekonomiya. Magagamit nila itong financial assistance para patuloy na itaguyod ang kanilang pamilya habang naghahanap ng bagong papasukan o sa pag-aayos ng kanilang requirements,” pahayag ni Belmonte.

Una rito, personal na hiniling ni Belmonte sa Quezon City Council na magpassa ng ng City Ordinance No. 3095, S-2022 para sa pagtatatag ng financial assistance program.

Nabatid na eligible sa financial assistance ang mga manggagawang nawalan ng trabaho sa nakalipas na aanim na buwan. Ito ay sa formal at informal sectors at maging ang mga overseas Filipino workers.

Aabot sa P500 kada lingo ang makukuha ng mga manggagawa na nawalan ng trabaho.

Tatagal ito ng walong lingo o katumbas na P4,000 ayuda.

Ayon kay Belmonte, maaring gamitin ang pera sa paghahanap ng trabaho.

Para sa taong ito, nasa P60 milyon ang inilaan ng lokal na pamahalaan para sa naturang programa.

Nabatid na ang Public Employment Service Office (PESO) ang magpapatupad sa naturang programa kung saan sila na rin ang bahala sap ag-aasikaso sa aplikasyon sa pamamagitan ng Quezon City e-Services Website (https://qceservices.quezoncity.gov.ph).

“Makakaasa ang lahat ng manggagawa ng lungsod Quezon–pormal man, impormal, o OFWs na patuloy na maghahatid ng mga maaasahang programa ang PESO gaya nito,” pahayag ni PESO Manager Rogelio Reyes.

Kabilang sa mga unang nakinabang sa programa ang 25 displaced workers mula sa nagsarang eskwelahan na Colegio de San Lorenzo. Sila ay mga faculty members, administrative staff, at utility workers.

Aabot sa 25 na OFW rin ang unang nakinabang sa Alagang QC.

 

 

 

Read more...