DAR, puspusan ang pagtatayo ng farm-to-market road sa malalayong lugar
Doble-kayod ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa pagpapatayo ng mga farm-to-market road sa mga malalayong lugar.
Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella, pagtalima ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ibigay ang mga kinakailangang suportang serbisyo sa sektor ng pagsasaka sa pagnanais na muling buhayin ang industriya ng agrikultura sa bansa sa pamamagitan ng maayos na daloy ng suplay ng pagkain.
“Ang pinakamahusay na paraan upang mapabuti ang daloy ng suplay ng pagkain ay pahusayin ang ating road network, mula sa pinakamalayong barangay hanggang sa mga pangunahing kalsada patungo sa sentro ng pamilihan upang ang mga magsasaka mismo ay madaling makapagdala ng kanilang mga sariwang ani ng walang kahirap-hirap,” pahayag ni Estrella.
Sa Memorandum No. 326, serye ng 2022, binigyan ni DAR Undersecretary for Support Services, Atty. Milagros Isabel Cristobal na ang DAR field offices ng listahan ng mga natapos at kasalukuyang ginagawang mga proyektong tulay sa ilalim ng Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-agraryo (TPKP) kung saan maaaring idugtong ang panukalang farm-to-market roads.
Sa ngayon, 140 tulay sa ilalim ng proyektong TPKP ang natapos na, habang 29 iba pa ang kasalukuyang ginagawa at 17 ang patuloy na pinag-aaralan o nasa pre-construction stage.
“Pakiusap ko sa mga DAR regional at provincial officials na piliin sa listahan ang mga tulay na natapos na at mga ginagawa pa ang nangangailangan ng extension roads upang maiugnay ang mga ito patungo sa mga pangunahing mga kalsada,” bilin ni Cristobal sa mga regional at provincial officials sa naturang memorandum.
Ipinaliwanag ni Estrella na ang pagsasaayos ng road network ay makatutulong sa mga magsasaka na pataasin ang kanilang kinikita dahil magagawa na nilang i-angkat mismo ang kanilang mga ani sa mga palengke sa halip na patuloy na umasa sa mga mangangalakal o middlemen na karaniwang bumibili ng kanilang mga produkto sa napaka-murang halaga.
“Kapag maayos ang ating road network, ang gastos sa paghakot o transportasyon ay magiging mas mababa at abot-kaya ang halaga para sa ating mga magsasaka,” dagdag ni Estrella.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.