PS-DBM nadikdik sa P2.4-B DepEd ‘overpriced and outdated’ laptops
Naniniwala ang ilang senador na nagkaroon na ng kasagutan ang ilan sa kanilang mga katanungan ukol sa kontrobersyal na pagbili ng P2.4 bilyong halaga ng laptops para sa public school teachers.
Ito ay matapos ang unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na dinaluhan ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management – Procurement Service (PS – DBM).
Sa pagdinig, nagisa nang husto ng mga senador ang mga taga-DBM – PS at lumutang ang sinasabing ‘modus.’
“‘Missed out’ is the phrase of the day. An engineer ‘missing out’ and the entire review process ‘missing out,’ incredible!,” diin ni Minority Leader Koko Pimentel.
Tiwala si Pimentel na sa mga susunod na pagdinig ay mapapag-ugnay na nila ang mga pangyayari na humantong sa pagbili ng sinasabing ‘overpriced’ at ‘outdated’ laptops.
Sinabi naman ni Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na sa dami ng inamin na pagkakamali at pagkukulang, hindi na masasabing ‘honest mistakes’ ang mga nangyari.
“It bears repeating that COA has found a whole host of irregular transactions over several years between PS-DBM and other national agencies,” giit ni Hontiveros.
Naniniwala naman si Sen. JV Ejercito na sinadya ang mga pangyayari sa pagsasabing, “You don’t commit lapses or small mistakes for contracts worth billions.”
Pinuna niya na napapadalas nang nasasangkot ang PS-DBM sa mga anomalya.
Nabanggit pa ni Ejercito na sa kanyang pagkakaalam, noon ay inirerespeto ang PS-DBM at ito ay sinegundahan ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.