25 kaso ng kidnapping, naitala sa bansa hanggang Hulyo 2022
Umabot na sa 25 kaso ng kidnapping sa bansa ang naitala simula Enero hanggang Hulyo ng taong 2022.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesman Colonel Jean Fajardo na 50 porsyento sa naturang bilang ng kidnapping ay naresolba na.
Sinabi pa ni Fajardo na karamihan sa mga kaso ng dinukot ay mga may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator o ang mga nagtatrabaho sa casino.
Patuloy aniya ang imbestigasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group ang natitirang kaso ng kidnapping.
“Base po sa talaan po ng Anti-Kidnapping Group ay kumpara po natin iyong mga insidenteng naitala mula po ng 2017 hanggang 2022 from January to July 2022 ay nakapagtala po tayo ng 25 incidents of kidnapping at karamihan po doon, sir, ay mga POGO-related kidnapping incidents. Kaya naman po ito ay naresolba din at mahigit kalahating porsiyento po ang na-resolve at na-clear po natin sa kaso na ito at iyong remaining po diyan ay patuloy pong iniimbestigahan ng Anti-Kidnapping Group kung ito nga po ba ay lehitimong kidnapping case o ito nga po iyong tinatawag natin na mga POGO o casino-related cases na kaagad naman pong nareresolba ng PNP,” pahayag ni Fajardo.
Ayon kay Fajardo, magkakaiba ang suspek at motibo sa mga kaso ng pagdukot sa bansa.
Malaki aniya ang pasasalamat ng PNP sa aktibong partisipasyon ng mamayan lalo na ang mga naipopost sa Facebook o iba pang social media.
Mas napapadali kasi aniya ang pag-aksyon ng PNP dahil sa videos.
“Ito lamang ay nagpapatunay na ‘yung ating mga kababayan ngayon ay aware na kung ano ang gagawin nila kapag sila ay naka-witness ng crimes. Ito ay ipinagpapasalamat nang malaki ng PNP dahil karamihan dito, lalong lalo na itong cases na naitala ay napakalaki ng papel ng community kung bakit natin natunton at nahuli ang mga suspek,” pahayag ni Fajardo
Ilang kaso na ng pagdukot ang naitala sa bahagi ng Batangas, Rizal at Quezon.
Sinabi pa ni Fajardo na nagbigay na ng kautusan si PNP chief Rodolfo Azurin, Jr. na paigtingin pa ang pagpapatrulya lalo na sa mga lugar na crime-prone area.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.