Pinangunahan ni Duterte ang ikalawang batch ng pamamahagi ng mga bag na mayroong lamang school supplies at dental kits.
Nasa 500 mag-aaral sa naturang probinsya ang napagkalooban nito.
Ani Duterte, magsisilbing paalala ang mga bag para lalo pang pagbutihin at pagsumikapan ng mga estudyante ang pag-aaral.
“Sa ating mga learners, simple lang po ang paalala natin, hindi po ang mga bag ang magpapabago ng buhay ninyo. Ang magpapabago ng buhay ninyo ay yung determinasyon ninyo na magtagumpay at ang sipag ninyo na mag-aral,” pahayag nito.
Dagdag ni VP Sara, “Ang edukasyon po ang greatest equalizer — pangpantay ng antas ng buhay ng lahat ng tao.”
Punto pa nito, mas malaking oportunidad ang mararating ng mga mag-aaral sa tulong ng maayos na edukasyon.
“Nagbigay kami ng mga bags para maalala ninyo na merong tumayo sa harap ninyo ngayong araw na ito at nagsabi sa inyo na kaya ninyong gawin at kaya ninyong malampasan lahat ng problema kapag kayo ay determinado na magtagumpay sa inyong buhay,” aniya pa.
Maliban sa mga mag-aaral, nakatanggap din ang mga magulang ng food packages mula sa Office of the Vice President upang makatulong sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Hinikayat naman nito ang mga magulang na planuhin ang kanilang family size para makapagbigay ng mga pangunahing pangangailangan sa pamilya.
“At sa ating mga magulang, kailangan po meron tayong pagplano sa ating pamilya para po hindi umiikot ng uniikot ang kahirapan diyan sa loob ng ating pamilya dahil napapaniguro natin na makakapagtapos ang ating mga anak ng pag-aaral,” saad nito.
Ang PagbaBAGo ang pinakabagong proyekto ng OVP na inilunsad noong Agosto 10.