TESDA, umapela ng dagdag na farm schools para sa rural development
Hinikayat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga magsasaka, kooperatiba, at negosyante na magtatag ng karagdagang farm schools para sa rural development.
Sa pagsisimula ng “Training of Facilitators on Farm Business School” seminar sa Cavite, ibinahagi ni TESDA Deputy Director General Aniceto Bertiz III na dumami ang agriculture-based training para mapabuti ang productivity at competitiveness ng mga magsasaka.
“Ang pagbibigay ng access sa technical vocational education and training o TVET sa pamamagitan ng agri-fishery farm schools ay isang istratehiya para makamit ang pangmatagalang hangarin ng pag-unlad para sa mga kanayunan,” pahayag nito.
Aniya, kumikita lang ang mga magsasaka ng P2,300 kada taon para sa kada kalahating ektarya ng land tilled, at karamihan sa mga magsasaka ay hindi kumikita nang sapat para masuportahan ang pamilya.
“This training has been designed so that our farmers will have the right knowledge, skills and attitudes that will help increase their agricultural production through new technologies and entrepreneurial activities,” saad nito.
Bilang bahagi ng enterprise-based training o “EBT to the Max” initiative, ipatutupad ng TESDA ang Program on Accelerating Farm School Establishment (PAFSE) para sa proliferation ng farm schools, at paggamit ng “farmer to farmer, learning by doing” methodology.
Sa ngayon, mayroong 399 farmer field school programs na rehistrado sa TESDA at ipatutupad sa iba’t ibang farm schools, maging sa mga pribado at pampublikong institusyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.