Anim na BOC officials sa Port of Subic, sinibak dahil sa smuggling sa asukal

Sibak ang anim na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic dahil sa smuggling sa asukal.

Ayon kay Press Secretary Beatrix “Trixie” Cruz-Angeles, base sa Office Order ni Acting BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz na may petsang August 22, sibak sa puwesto sina
Maritess Theodossis Martin, district collector; Maita Sering Acevedo, deputy collector for assessment; Giovanni Ferdinand Aguillon Leynes, deputy collector for operations; Belinda Fernando Lim, chief of assessment division; Vincent Mark Solamin Malasmas, Enforcement Security Service (ESS) commander; at Justice Roman Silvoza Geli, CIIS supervisor.

Ayon kay Angeles, habang sumasailalim sa imbestigasyon, inilipat muna ang anim na sinibak na opisyal sa Office of the Commissioner.

Matatandaang noong August 18, nagkaroon ng tangkang smuggling ng 140,000 bags ng asukal sa Port of Subic.

Galing sa bansang Thailand ang mga asukal na may katumbas na 7,000 metric tons.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), recycled permit ang ginamit sa mga imported na asukal.

Nabatid na nakalagay sa MV Bangpakaew ang mga imported na asukal na nagkakahalaga ng P45,623,007.51.

Napag-alaman pa na ang consignee ng imported na asukal ay ang Oro-Agritrade INC. sa ilalim ng account na ARC Refreshments Corp. na may Entry Nos. C-12513 at C-12521.

Nakarehistro ang Thai exporter bilang Ruamkamlarp Export Co. Ltd. habang ang local customs broker ay nakapangalan sa isang Malou Leynes Buerano.

Ayon pa sa BoC-CIIS, ang kargamento ay covered ng “Special Permit to Discharge (SPD) at Verified Single Administrative Document (SAD)” ng BOC na may verified clearance mula sa Sugar Regulatory Administration sa ilalim ng pangalang Mr. Rondell Manjarres.

Read more...