Gatchalian: Kailangan ng sapat na pasilidad para sa full in-person classes
Ibinahagi ni Senator Sherwin Gatchalian ang pangangailangan na tiyakin ng gobyerno na may sapat na mga pasilidad sa mga paaralan para sa 100% face-to-face classes sa darating na Nobyembre.
Sinabi ito ni Gatchalian sa ginawa niyang pagbisita sa ilang public schools noong Lunes, unang araw ng pagsisimula ng School Year 2022 – 2023.
Puna niya dahil sa maraming estudyante sa ilang paaralan, kinailangan na mag-klase sa school gym at covered courts.
Dagdag pa niya, kinapos din ang upuan sa ilang paaralan dahil na rin sa paglipat ng mga estudyante.
Sa kabila nito, labis-labis ang pasasalamat ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education sa education frontliners, partikular na sa mga guro, sa kanilang pagsisikap na mapagbuti ang pagbabalik eskuwela ng mga estudyante.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga guro, mga punong-guro, at ating mga schools superintendent para tiyakin ang maayos na pagbubukas ng ating mga paaralan ngayong school year. Hindi magiging posible ang pagpapatuloy ng edukasyon at ang ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes kung hindi dahil sa kanilang patuloy na pagsisikap, kaya naman ipinapaabot natin sa kanila ang ating pinakamataas na pagpupugay,” sabi pa ni Gatchalian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.