Rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) Sub-Station Pio Duran sa isang maritime incident sa Albay, araw ng Lunes (Agosto 22).
Ayon sa ahensya, bahagyang lumubog ang Cargo JAL Express sa dagat malapit sa baybayin ng Pio Duran Port.
Base sa imbestigasyon, napulupot ang propeller ng LCT Aldain Dowey habang nagsasagawa ng undocking maneuvers.
Napaulat na nangyari ang insidente habang nakararanas ng malakas na alon at hangin sa naturang lugar dahil sa Southwest Monsoon o Habagat.
Umasiste ang mga tauhan ng PCG at Philippine National Police (PNP) sa naturang insidente.
Wala namang nasugatan sa mga crew na lulan nito.
Ayon sa Disaster Risk Reduction Climate Change Adaptation (DRR CCA) Pio Duran, lulan ito ng mga sako ng bigas, asukal, harina, grocery items, agricultural products, petroleum products, at iba pang pangunahing pangangailangan na ibibiyahe patungong Claveria, Masbate.