Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Artemio Abu, dalawa hanggang tatlong Coast Guard buses ang ide-deploy simula 6:00 hanggang 9:00 ng umaga at 4:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi para maserbisyuhan ang mga estudyante sa Quezon City at Maynila.
Mula Quezon City Hall, bibiyahe ang Coast Guard buses papuntang University Belt sa España, Maynila.
Iikot din ang mga bus sa Luneta Park bago bumalik sa Quezon City.
“Simpleng tulong natin ito sa mga estudyante sa pagsisimula ng School Year 2022-2023. Ramdam natin ang hirap na buhay ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng pamasahe. Kaya sa inisiyatibong ito, gusto natin na kahit papaano’y masuportahan ang mga kabataan sa pagbabawas ng gastusin sa unang araw ng klase,” pahayag ni Abu.
Nagpaalala pa si Abu sa mga estudyanteng sasakay ng Coast Guard buses na panatiliin ang pagsusuot ng face mask at laging magdala ng alcohol para maprotektahan laban sa banta ng COVID-19.