Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang isang warehouse sa San Fernando, Pampanga dahil sa hinihinalang pag-hoard ng libu-libong sako ng asukal sa gitna ng reklamo ng mga konsyumer sa mataas na presyo nito sa merkado.
Ni-raid ng mga operatiba ng Clark-based Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) – Quick Reaction Team ang Lison Building sa bahagi ng Barangay Del Pilar.
Ipinag-utos ni Executive Secretary Victor Rodriguez ang naturang operasyon kasunod ng direktiba mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa BOC na ipatupad ang visitorial powers sa lahat ng customs bonded warehouse at suriin ang inventory ng imported agricultural products.
“The BoC’s Pampanga sugar warehouse raid may very well serve as a warning to unscrupulous traders who are currently hoarding their stocks of sugar in order to profit from the current artificial sugar shortage situation,” pahayag ni Rodriguez.
Sa bisa ng Letter of Authority (LOA) Number 08 15 149 2022 at Mission Order (MO) No. 08 15 2022 519, agad nahuli ng Customs personnel ang mga sako ng imported sugar mula sa Thailand.
Nasamsam din ng ahensya ang daan-daang sako ng asukal na nakakarga sa delivery vans.
Isang Chinese-Filipinos warehouse keeper na si Jimmy Ng ang tumanggap ng kopya ng LOA at MO mula sa BOC agents na natagpuan din ang ilan pang imported items tulad ng mga sako ng corn starch mula sa China, mga sako ng imported flour, plastic products, oil sa plastic barrels, motorcycle parts at wheels ng iba’t ibang tatak, helmets, LED Televisions sets at paints.
Sa ngayon, nagsasagawa ng inventory ang CIIS aa mga produkto.
Binigyan naman ang warehouse owner ng 15 araw para magpakita ng mga kinakailangang dokumento upang mapatunayang legal na na-import ang mga produkto sa bansa.
Sakaling mapatunayang smuggled ito, mahaharap ang warehouse owner sa kasong may kinalaman sa smuggling sa Customs Modernization Act (CMTA).