LTFRB, ikinatuwa ang pag-release ng P1.4-B pondo para sa Libreng Sakay program
Ikinatuwa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagre-release ng Department of Budget and Management (DBM) ng P1.4 bilyong pondo para sa pagpapatuloy sa Libreng Sakay sa ilalim ng Service Contracting Program ng Department of Transportation.
Ayon kay LTFRB chairman Atty. Cheloy Garafil, malaking tulong ito para mabayaran ang mga kompanya ng bus na kasama sa Libreng Sakay program.
“Natutuwa kami sa naging mabilis na aksyon ng DBM para maaprubahan ang P1.4B na pondo para sa pagpapatuloy ng Libreng Sakay. Ready to be disbursed na po ‘yan kaya makakaasa po ang ating mga kababayan na sumasakay sa EDSA Busway na dire-diretso po ang ating serbisyo hanggang Disyembre,” pahayag ni Garafil.
Nabatid na nabayaran na ng LTFRB ang mga driver at operator sa Libreng Sakay program.
Sinisikap aniya ng LTFRB na mabayaran ang mga driver at operator sa pinakamabilis na paraan para hindi maantala ang pagbibigay serbisyo sa publiko.
Sa ngayon, nasa dalawang linggo na lamang ang bayarin sa mga consortia dahil may kinakailangan pang mga beripikasyon bago mabayaran ang mga ito.
“Maraming salamat sa DBM dahil magpapatuloy ang libreng sakay sa EDSA Busway alinsunod sa kagustuhan ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Patuloy din po naming pinag-aaralan ang iba’t ibang paraan upang higit na mapabilis at mas kumportable ang biyahe ng ating mga pasahero,” pahayag ni Garafil.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.