Hindi isinasantabi ni Pangulong Marcos Jr., ang posibilidad na mag-aangkat ng asukal ang Pilipinas sa darating na Oktubre.
Aniya maaring umabot sa 150,000 metriko tonelada ng asukal ang aangkatin.
Ginawa ni Pangulong Marcos Jr., ang pahayag ilang araw matapos ibasura ang nabunyag na pag-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Ayon sa Punong Ehekutibo, sa ngayon ay maari wala pang pangangailangan na mag-angkat ng asukal ngunit maaring bumaba ang suplay sa Oktubre.
“Hindi kasing dami ng kanilang sinasabi dati na 300,000 tons. Siguro malaki na ang 150,000 para sa buong taong ito. Kaya’t sa aking palagay nabawasan natin mabuti ang importation ng sugar,” aniya.
Dagdag pa nito, dapat ay tiyakin na hindi labis-labis ang importasyon ng asukal lalo na kung patuloy naman ang paggawa nito sa bansa.