Nag-inspeksyon ang bagong talagang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) General Manager Engr. Federico Canar Jr. ng mga kagamitan at pasilidad sa depot ng linya ng tren, araw ng Biyernes (Agosto 12).
Binusisi rin ni Canar ang ginagawang overhauling sa mga bagon o light rail vehicles (LRVs) ng linya.
Kasama sa inspeksiyon si Operations Director Engr. Oscar Bongon at mga technical personnel ng Sumitomo-MHI-TESP, ang maintenance provider ng MRT-3.
Tiniyak nina Canar at Bongon na nasusunod ang wastong proseso ng overhauling, gayundin ang mga de kalidad at system checks na kailangang pagdaanan ng mga bagon para masigurong ligtas itong ibiyahe.
Sa ngayon, nasa 61 na bagon na ng MRT-3 ang tagumpay na na-overhaul at nai-deploy sa mainline.
Samantala, 11 na lamang ang nakatakdang sumailalim sa overhauling, kung saan kinukumpuni at pinapalitan ng bago ang mga lumang piyesa ng bagon.